Thursday, December 2, 2010

The logic of the kuliglig

Ang pagmamaneho ng kuliglig ay coping mechanism ng mga maralitang taga-lungsod para mairaos ang pang-araw araw nila. Katulad din yan ng mga sidewalk vendors na kung ituring ng mga mayayaman (o feeling mayaman) ay eyesore. Palibhasa, wala namang maialok na disenteng trabahong nakakabuhay ng pamilya ang estadong ito. At hindi katulad ng mga mayayaman (o feeling mayaman) ang problema ng mga kuliglig drivers noong December 1 ay kung saang kamay ng diyos nila kukunin ang pang-kain, pambili ng gamot at pambaon sa eskwela ng mga anak nila. Kaya sa mga nagreklamong na-traffic daw sila papuntang work or school dahil sa mga naka-hambalang na kuliglig: ANG LAKI NG PROBLEMA NIYO. WOW. NAKAKAMATAY ANG PAGKA-STUCK SA TRAFFIC. GRABE. PASENSYA NA KAYO, HA?


Para naman sa gobyerno ng Maynila (at sa gobyerno in general), anong karapatan niyo para lipulin sila? Kayo na nagpapakasasa sa pera ng mamamayan. Kayo na de-aircon ang mga kwarto. Kayo na naka-SUV. Kayo na may mga master's at doctorate degree. Kayo na wala naman matinong programang pangkabuhayan, edukasyon (babawasan pa nga ang badget, e!). Kayo na sa loob ng isang daang taon ay hinayaang maging bansot at atrasado ang ekonomiya ng Pilipinas kaya pirming naka-sandig tayo sa mga imperyalista. Kayo na pumapatay at nandudukot sa mga taong kumikilos para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Kayo na malinaw na pumapanig sa mga malalaking negosyante at panginoong maylupa. Kayo na ayaw magpamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal nito at ayaw magtaas ng sahod ng mga manggagawa sa pabrika dahil sa takot na mababawasan ang milyon-milyong pera niyo sa bangko, o di kaya ay mabawasan ang mga SUVs sa garahe ng mansyon niyo. Kayo na mga walang ginawa kundi sumali sa tree planting at run-for-a-cause ng ABS-CBN at GMA Kapuso Foundation, magtayo ng bahay kasama ng Gawad Kalinga, mamigay ng limos sa mahihirap bilang inyong idea ng "governance" at "uplifting the poor". Mga wala kayong alam! At mga wala kayong alam dahil wala kayong pakialam sa tunay na kalagayan ng lipunang ito.


Sa pag-ban sa munting kabuhayan ng mga kuliglig drivers, para mo narin silang pinatay. Gut-level at historical ang usapin ng mga kuliglig. Bahagi ito ng isangdaang taong pakikipaglaban para sa lipunang makatarungan. Tama lamang ang ginagawang pag-aalsa ng mga kuliglig drivers. Tama lamang ang ginagawang pag-aalsa ng mga estudyante laban sa budget cut. Tama lamang ang ginagawang pag-aalsa ng mga magsasaka sa hacienda luisita at sa lahat ng hacienda sa Pilipinas. Tama lamang ang pag-aalsa ng mga manggagawa para sa dagdag sahod accross the board, nationwide.


Kahit kailan hindi naging mali ang mag-alsa para sa isang lipunang makaturangan. Kahit kailan hindi naging mali ang mag-alsa para wakasan ang daantaong pagka-api at pagka-alipin. At hanggat patuloy ang pagsasamantala, pambubusabos at pang-aapi, hindi matatapos ang pag-aalsa ng mga mamamayan. Kasaysayan na ang nagturo sa atin nito. Ang tao ang mapag-pasya. Oras na mangyari ito, magtago ka na, Mayor Lim. Ang tunog ng kuliglig ay magiging dagundong. Dagundong ng pinagsamasamang lakas ng bayan na siyang puputol sa sungay mo at ng mga kauri mo.


Dec 2 2010| 3:50 pm

No comments:

Post a Comment